Nasa kalagitnaan na tayo ng taong kasalukuyan, ngunit 3 bagyo pa lamang ang dumadalaw dito sa Pilipinas. Dahil dito, bumaba na sa critical level ang tubig sa Angat Dam; ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Maynilad na syang nagsu supply ng tubig sa kalakhang Maynila. Nito lamang nakaraang araw ng Linggo, sumadsad na sa 157.56 meters above sea level ang tubig sa Angat Dam (mababa ng higit sa 20 meters sa critical level nito na 180 meters above sea level). Dahil sa napakababang water level ngayon ng Angat Dam, kinailangan ng Maynilad na bawasan ang isinusupply nilang tubig ng 30 porsiyento (30%) at magpairal ng isang Scheduled Water Interruption. Maraming residente sa kalakhang Maynila ang apektado lalo na ang mga tao sa lugar ng Pasay, Muntinlupa, at Las Pinas kung saan mahina ang water pressure at hindi halos umaabot ang tubig sa mga kabahayan.
Kahapon lamang (Martes; July 20, 2010), naranasan natin ang hirap ng kawalan ng tubig. Nagsimulang mawalan ng tubig sa Malabon bandang alas 4 ng madaling araw (naghahanda na ako ng mga oras na iyon para pumasok sa opisina). Bagamat nakapag ipon kami ng tubig sa bahay (dahil ilang araw na din kami nawawalan ng tubig; pero 2 - 6 oras lamang), hindi sumapat iyon para tumagal ng 12 oras na tinaya naming pinakamatagal na oras na mawawalan ng tubig sa lugar namin. Lumipas na ang 12 oras, wala pa din tubig sa lugar namin. Pagdating ko sa bahay galing ng opisina, agad ako nagbihis para bumili ng makakain namin para sa hapunan at para maghanap ng mabibilhan ng pandagdag na tubig na inumin. Wala na akong nabilhan ng tubig maski saan (kung sabagay, kung umaga pa lang nawalan ng tubig, baka wala pang tanghali ay wala na din tubig sa mga water station).
Pagkakain ng hapunan, eksatong dumating ang nagrarasyon ng tubig sa lugar namin. Nakisingit kami agad ng bayaw ko sa mga nagsisiksikan at nag uunahang mga tao para sa rasyon ng tubig. Dala ang malaking drum, pinilit namin makasahod kahit kalahating drum man lamang ng tubig. Ngunit, sa kasamang palad, kung kailan nasa tapat na ng drum namin ang hose ng tubig ng trak, sya namang naubos na ang laman nito.
Hindi man lamang umabot sa 1/4 ang laman ng drum na dala namin. Napagpasyahan na lang namin na umuwi at hintayin ang 2 milagro: Na sana ay (1) umulan na malakas, o di kaya ay (2) buksan na kaagad ng Maynilad ang tubig.
Nakatulugan na naming mag asawa ang paghihintay sa pagbukas ng tubig. Ngunit, bandang alas-2 ng madaling araw (Miyerkules; July 21, 2010), naalimpungatan kaming mag asawa dahil sa tila tumutulong tubig sa gripo namin sa baba. Nang matiyak na namin na may tubig na nga talaga, hindi kami nag aksaya pa ng oras. Kahit inaantok pa, pinagtulungan namin mag asawa ang pag iipon ng tubig at paglilinis ng lababo. Ako ang nag ipon ng tubig habang sya naman ang naghugas ng maruruming plato sa lababo. (dahil medyo mahina pa ang pressure ng tubig kaya sumalok muna ako mula sa gripo namin sa my silong). Lahat ng maaaring lagyan ng tubig, nilagyan ko na, ultimo yung lumang lalagyan ng mineral water at lumang thermos namin, nilinis at nilgyan ko ng tubig. (kahit papaano, makakadagdag yun.) Dahil mag alas 4 na ng madaling araw nang matapos kaming mag ipon ng tubig at maglinis, nagpasya na kaming magluto at kumain ng agahan nang sabay. (di kasi ako kumakain ng agahan sa bahay kapag may pasok) At kahit 3 oras lamang nang naitulog ko, pinilit ko pa din pumasok sa opisina ngayong araw na ito. (kailangan eh) =p
Mahirap mawalan ng tubig. OK lang mawalan ng kuryente, madaling gawan ng paraan ang kawalan ng kuryente, ngunit ang tubig? Mahirap maghanap ng tubig. Hay... Walang kasiguruhan kung hanggang kailang magtatagal ang ganitong kakulangan sa supply ng tubig. Hangga't hindi umuulan ng malakas dito sa Pilipinas at naibabalik sa normal ang level ng tubig sa Angat Dam, patuloy natin mararanasan ang kakulangan ng tubig. Sana lamang, huwag tayo umabot sa punto na dahil sa sobrang kakulangan sa tubig, tayo-tayo mismo ang magpapatayan para lamang makuha ito. Nakakatakot... mukhang exaggerated... pero hindi malabong mangyari.
Kaya, dapat laging handa: Mag ipon palagi ng malinis na tubig sa mga kabahayan at magtipid sa pagamit nito, hindi lamang para sa pansariling kapakanan, kundi para din sa kapakanan ng iba na nangangailangan ng tubig.
0 comments:
Post a Comment